“Sa ngalang ng ama” ni Erwin Jesse Perea Aljas

6’4”. Ito ang maaalala nilá –
ang pambihirang sukat ng tangkad
ng kanyang anak na sikat. Samantala
tandang-tanda pa niyá
ang pangangamatis ng tite
ni Rene nang kanya itong langgasin
at tuklapin ang benda ng tahê
Ayaw kasi niyáng maburo
ang bata sa tukso na pisot!

Ayaw niyáng maburo
si Rene, na malambing at magaslaw
sa liblib na pook ng Mindanao
na nagluwal kay Lolong na halimaw
kayâ nang mabalitaan niyá sa text
ang lutong-Macao sa Dipaculao
sindak siyáng bumagal ang galaw –
puntod ang kanyang mga mata
na ninakawan ng kandila!

Sapagkat ayaw niyáng maburo
ang kanyang butihing may-bahay
sa tukso na panatiko –
nilunok niyá ang mapait na laway
at agad itiniim ang mga ngipin

gaya ng gilingan nilá ng mais na bukbukin
na kailangan pang batak-batakin
upang mayroon lamang ma’saing!

Masdan ang mga bulaklak –
kasing hugis ng timbulan
na yari sa interior ng trak –
ang kanyang ilalapag sa Pasipiko
at malalaglag pa pati kanyang kalo
sa mga bula ng kababawan
(Mahusay lumangoy si Rene
malabong madale ng alon na abot-pigê!)

May mabangis pa pala sa buwaya
na kalabaw ang parating miryenda –
ito ang paring maalam sa esk’wela
at lulong sa bola ng ruweda.

Ang tulang ito ni Erwin Jesse Perea Aljas ay nagwagi ng pangatlong gantimpala sa poetry writing contest ng mADCap Lit Mag na may temang “strength in weakness.”