“paano manghuli ng palakang bukid” ni Steno Padilla

paano manghuli ng palakang bukid
pinakamainam
sa gabi
matapos umulan

sundan ang kokak
pagkat naroon sila

wag mag-atubiling
manindak sa kidlat
ng hawak na plaslayt

sa sandaling masilaw
agad na dakmain

pagkatapos

ikaw naman
ang dadakmain
sa dilim

higit pa rito
ang itinuro mo
sa akin

giya rin sa gunitang
ikurba ang mga labi

sa tuwing maulan

at mag-isang
nanghuhuli
ng palakang bukid

Ang tulang ito ni Steno Padilla ay nagwagi ng pangalawang gantimpala sa poetry writing contest ng mADCap Lit Mag na may temang “strength in weakness.”